03/11/2015 Information Broadcast
Nananatiling 12 pesos per unit ang tuition fee sa PUP. Walang umiiral na patakaran o plano ang kasalukuyang administrasyon ng PUP na itaas ang matrikula o magpataw ng anumang dagdag na bayarin sa mga estudyante, ngayon at sa kagyat na hinaharap. Di natitinag ang paninindigan ng PUP administration na panatilihin sa kasalukuyang antas ang tuition sa ating Sintang Paaralan.
Kaya ang ipinagkakalat ng iilang lider-estudyante na itataas diumano ng administrasyong De Guzman sa P16,000 ang tuition sa PUP ay isang malisyosong kasinungalingan. Anuman ang kanilang agenda sa paglalako ng lantarang binaluktot na impormasyon ay tiyak na sasambulat sa kanilang mukha at kailanma’y hindi makakatamasa ng simpatya at suporta ng kapwa nila mag-aaral at ng publiko dahil sa simpleng dahilan na ito’y isang lantay na panloloko. Anumang desperadong pag-iingay, pangliligalig at pangbu-bully ang gawin ng iilang nagpapanggap na lider-estudyante na ito (na walang tunay na mandate ng PUP studentry dahil hindi naman sila hinalal sa isang malaya at patas na student council elections), lilitaw at lilitaw sa mata ng PUP community ang katotohanan sa likod ng ipinantatakot na pagtaas diumano ng matrikula.
Para sa kaalaman ng lahat, ang sinasabing P16,000 na tuition na balak ipatupad ay para lamang doon sa mga papasok na Grade 11 at Grade 12 (senior high school) students na ia-accommodate ng PUP sa simula ng academic year 2016-2017 alinsunod sa pagpapatupad ng K-to-12 program ng DepEd. Sa katunayan, ni isang kusing ay walang gagastusin ang mga bagong papasok na senior high school students dahil may inilaang P22,000 pondo ang DepEd kada bata kada taon para sa implementasyon ng naturang programa. Hindi nito maaapektuhan ang, at wala itong kinalaman sa, kasalukuyang umiiral na tuition rate at iba pang bayarin ng mga dati nang nasa kolehiyo at PUP Laboratory High School. Ibig sabihin, ni isang sentimo ay walang madaragdag sa kanilang dati nang mga binabayaran at hindi ito ang gagawing batayan ng tuition rate sa PUP, sa kolehiyo o Lab High man. Nakapirmi pa rin sa P12/unit ang tuition sa PUP.
Bakit tatanggap ng additional senior high school students ang PUP? Saan aktwal na mapupunta ang pondong P22,000 kada bata na ilalaan ng DepEd para sa pagpapatupad ng senior high school (Grade 11 at Grade 12) program ng K-to-12?
Naging national policy ang K-to-12 program Republic Act 10533 (Enhanced Basic Education Act of 2013) noong June 08, 2013. Sa ilalim ng naturang programa madaragdagan ng 2 taon ang dating 4 na taong pag-aaral ng high school. (The new system covers kindergarten and 12 years of basic education: six years of primary education, four years of junior high school, and two years of senior high school.)
Ayon sa mga independyenteng pag-aaral na isinagawa, kapag ipinatupad na ang K-to-12 program, 80,000 katao (56,771 of 111,351 college teachers and 22,838 non-teaching staff) ang mawawalan ng trabaho dahil sa ibubunsod na zero college enrollees sa pagsisimula ng Academic Year 2016-2017.
Sa PUP, ang unang taon (AY 2016-2017) ng implementasyon ng K-to-12 ay mangangahulugan ng pagkawala ng 12,000 freshmen, na magreresulta sa isang taon na kawalan ng trabaho ng mga faculty members na nagtuturo ng first year students o general education subjects. Gayundin, mawawalan ng mga sophomores o second year students sa susunod na school year o sa ikalawang taon ng implementasyon ng K-to-12, dahil nga sa walang bagong entrants sa naunang taon. Muli, kawalang-trabaho para sa maraming faculty members at administrative employees.
Para maiwasan ito, kailangan ng PUP na tumanggap ng10,000 senior high school students (5,000 na Grade 11 at 5,000 na Grade 12) sa simula ng implementasyon ng K-to-12. Ang tuition nila ay popondohan ng national government, hindi kukunin sa bulsa ng mga estudyante o ng kanilang mga magulang.
Ang pondong mula sa DepEd na malilikom ng PUP mula sa papasok na Grade 11 at Grade 12 students ang tutustos sa sweldo ng mga guro at kawani ng PUP, lalo na iyong mga kaswal na empleyado (447 katao) at part-time/may temporary status na guro sa kolehiyo (1,309 katao), na apektado ng pagkawala ng freshmen at sophomores starting AY 2016-2017. Ang perang sosobra mula sa pondo ng DepEd (P22,000 minus P16,000) ay aktwal na matatanggap ng mga bata at magagamit nila sa iba pa nilang pangangailangan sa pag-aaral.
Pero bakit may ilang grupo at lider-estudyante sa loob at labas ng PUP na pilit na binabaluktot ang katotohanang ito at naglulubid ng mga isyung ipinambabala laban sa kasalukuyang administrasyon ng PUP?Ano ang kanilang layunin?
Anu’tanuman, ipapatupad sa pambansang saklaw ang K-to-12 Program simula AY 2016-2017. Anu’tanuman apektado ang PUP. Maraming guro at kawani, sampu ng kanilang pamilya, ang malamang na mawalan ng trabaho at kabuhayan. Kung hindi sa pamamagitan ng pagtanggap ng additional 10,000 senior high school students na popondohan ng DepEd, sa anong paraan naiisip ng mga “tumututol” dito na masalo o masolusyunan ang kakaharaping problema ng ating mga guro at kawani?
Wala silang sagot dito dahil malinaw na hindi ang totoong kapakanan at interes ng mga estudyante, guro at kawani ng PUP ang kanilang nais protektahan. Kaya nga hindi nila makuha ang malawak na simpatya at suporta ng PUP community. Kilala at bistado na sila, silang kakarampot na grupo ng mga nagpapanggap na lider-estudyante, lider-guro at lider-kawani. Silang gumagamit sa ngalan ng mga progresibong samahan at organisasyon, silang nagpoposturang mga makabayan, maka-estudyante at nagmamalasakit umano sa PUP.
Malinaw na ang mapagkunwaring mga lider na ito ay may buktot na agenda, nagtatago sa likod ng progresibong tradisyon ng mga organisasyon sa PUP at sumasakay sa mga lehitimong isyu ng mga mag-aaral, guro at kawani. Pero sa katunayan, makitid na personal na ambisyon at political agenda ang totoo nilang isinusulong.
Kailanman, hindi makakakuha ng malawak na suporta at simpatya ng PUP community ang ganitong mga grupo, anumang panggagalaiti at desperadong panggugulo ang kanilang gawin.
Mananaig at mananaig ang katotohanan at ito ang papanigan ng mamamayan.
PUP ADMINISTRATION Marso 11, 2015
Please click/tap the appropriate link to help you in your navigation of our services
Applicant Student Faculty Member or Employee Researcher or Extensionist Alumni Campus Life Institutional Accreditation Back to Homepage