Polytechnic University of the Philippines

Paglilinaw ng PUP Administration sa Kasalukuyang Kaganapan sa Janitorial Services

Official Statement from the PUP Administration, The PUP Observer, June 22, 2012

Inilabas ng Administrasyon ng PUP ang papel na ito bilang paglilinaw sa kasalukuyang kaganapan sa janitorial services. Pagsisikap na rin ito upang ituwid ang mga paratang na kumalat, pangunahin ng nakawelgang janitors sa ilalim ng Samahan ng Janitors ng PUP-National Federations of Labor-Kilusang Mayo Uno (SJPUP-NAFLU-KMU). Hinihiling po sa lahat na basahin ito sa ngalan ng katuwiran at kaayusan ng pamantasan.

Pangunahing Alegasyon – SINADYANG BINIGO ANG BIDDING NG JANITORIAL SERVICES NITONG MARTES, HUNYO 19

Walang basehan ang alegasyong ito. Produkto ito ng pambabaluktot ng mga tunay na naganap at ng sinserong intensyon ng kasalukuyang administrasyon na kagyat na iresolba ang usapin.

Para sa kaalaman ng lahat, may naganap na Bidding sa Janitorial Services nito lamang Martes, Hunyo 19 ng Bids at Awards Committee (BAC) ng pamantasan ayon sa itinatakda ng Republic Act 9184 o ng Government Procurement Reform Act at ng Revised Implementing Rules and Regulations nito. Noon pa man, ang R.A. 9184 ang sinusunod ng PUP sa anumang bidding na pinapasok nito.

Sa naganap na bidding, NABIGO ang CMPT Manpower Services, ang kaisa-isang agency o kompanya na pumaloob sa Terms of Reference (TOR) sa bidding upang isagawa ang 100% ABSORPTION ng mga natanggal na 156 janitors, kabilang na ang mga miyembro ng Samahang Janitors ng PUP-National Federation of Labor-Kilusang Mayo Uno o SJPUP. Nabigo ito dahil sa usapin ng NON-COMPLIANCE o hindi pagtugon sa hinihinging rekisito ng RA 9184 upang manalo sa bidding. HINDI ITO NAKAPAGSUMITE ng mga batayang dokumento tulad ng End-User’s Acceptance, Notice of Contract, Notice to Proceed at 2011 Balance Sheet. Dahil sa pagkabigo, ipinaliwanag ng BAC sa CMPT Manpower Services ang pagkukulang nito kahit na noon pang naunang pagpupulong ay pinaalalahanan na ng BAC ang CMPT Manpower Services hinggil sa mga dokumentong dapat IHANDA at ISUMITE. Ibig sabihin sa simula’t simula pa lamang, ginawa na ng Administrasyon ni Pangulong Emanuel C. De Guzman ang mga nararapat na hakbang na dapat sundin ng anumang ahensya o kompanyang nais na SUMALI o PUMALOOB sa bidding.

Matapos ang nabigong bidding, humarap pa sa BAC ang pamunuan ng SJPUP-NAFLU-KMU noong hapon ng Martes, Hunyo 19. Doon ipinabatid nila na bagamat nalulungkot sila, naiintindihan nila ang naging pagkukulang ng CMPT Manpower Services na siyang dahilan upang hindi ito MANALO sa bidding. Nirerespeto umano nila ang naging proseso at maghihintay na lamang sa susunod na gagawin ng BAC at Administrasyon ng pamantasan.

Nakakagulat kung gayon na matapos na KILALANIN ng SJPUP-NAFLU-KMU ang BIDDING na makakaresolba ng sigalot ng mga janitors, pararatangan nito ang Administrasyon ng PANANADYA upang mabigo ang bidding.

Malinaw kung gayon na NABIGO ANG BIDDING dahil sa PAGKUKULANG NG CMPT Manpower Services na tugunan ang mga rekisito dito. Malinaw na WALANG PAGSASADYA sa naganap na KABIGUAN sa bidding tulad ng alegasyon ng SJPUPNAFLU- KMU sa isang demonstrasyon o rally na isinagawa nito noong tanghali ng HUNYO 20, MIYERKULES, isang araw matapos ang nabigong bidding.

Samantala, nalulungkot din ang Administrasyon sa pahayag ng unyon ng mga janitors, sa pag-aakalang sinadyang binigo ang bidding na hindi na ito naniniwala sa legal na proseso upang ayusin ang mga sigalot. Ipinahayag nila ito sa isang demonstrasyon o programa, isang araw matapos ang nabigong bidding.

Para sa Administrasyon, tanging sa legal na pamamaraan tulad ng bidding masasagot ang problema sa janitorial services. Dapat na pumaloob ang PUP sa itinatakda ng RA 9184.

Ang bagong administrasyon ng PUP sa pamumuno ni Pangulong de Guzman ay nagnanais na maresolba ang isyu sa janitors sa KAGYAT ngunit TAMANG proseso at kadahilanan. Sa mga pagpupulong na naganap sa pagitan ng SJPUP-NAFLU-KMU at Administrasyong de Guzman, nilinaw ito ni Pangulong De Guzman. Hindi sang-ayon si Pangulong de Guzman sa suhestiyon ng SJPUP-NAFLU-KMU na I-VETO niya ang anumang magaganap na RESULTA ng bidding. Ayon nga kay Pangulong de Guzman, para saan pa ang BAC at bidding kung hindi rin niya ito kikilalanin at susundin.

Sa pagpupulong ding ito, ilang beses na binitawan ng mga lider ng unyon ng mga janitors at pederasyong kinapapalooban nito na si Pangulong de Guzman na lamang ang KANILANG PAG-ASA upang maresolba ang sigalot. Kabaligtaran ito sa laman ng polyeto ng SJPUP-NAFLU-KMU at mga maaanghang na talumpati sa mga rally na nagsasabing “walang pakialam ang administrasyon, walang isang salita at hungkag na pangulo si Pangulong de Guzman” at iba pa. Ang totoo, inilabas ang polyeto ng SJPUP-NAFLU-KMU sa mismong araw na isinasagawa ang bidding.

Malinaw na BINABATIKOS nila ang kasalukuyang Administrasyon na ‘walang pakialam’ at ‘may hungkag na pangulo’ habang pumapaloob sa bidding at nakikiusap kay Pangulong de Guzman bilang pag-asa na lamang nila. Gayong nakakalungkot na ito’y isang ACT OF BAD FAITH, o MALING GAWI ng HARAPANG MAAYOS AT MAAMONG PAKIKIPAGDAYALOGO at sa TALIKURAN NAMAN AY PANINIRA NG KARAKTER AT PAGKATAO NG PANGULO AT KANIYANG ADMINISTRASYON, nagnanais pa rin ang pamunuan ng PUP na kagyat na maresolba ang sigalot ng mga janitors.

Muli, para sa kaalaman ng lahat, nagsampa ng Motion for Reconsideration (MR) ang CMPT Manpower Services nitong Hunyo 20 hinggil sa naganap na bigong bidding. Ayon sa batas, tungkulin ng BAC na ito’y tugunan sa pamamagitan ng isang resolusyon sa loob ng PITONG (7) araw.

Kung mabibigo ang CMPT na maipaliwanag ang kanilang panig kung bakit hindi ito nakatugon sa itinatakda ng RA 9184 na ipinapatupad ng BAC, tuluyan nang ihahayag ng BAC ang failure o kabiguan ng pangalawang bidding sa janitorial services.

Matapos ito, isasagawa ng BAC ang proseso para sa negotiated contract. Ngunit sa prosesong ito, hindi na maaaring sumali ang CMPT Manpower Services sa negosasyon para sa isang kontrata ng janitorial services. Sa ilalim ng negotiated contract, ang Terms of Reference (TOR) pa rin ay ang 100% absorption ng mga natanggal na janitors. Kung sakaling hindi makatugon ang sinumang ahensiya o kompanya sa rekisitong itatakda ng BAC o walang sinumang ahensiya o kompanyang papaloob sa proseso ng negotiated contract, papasok na ang opsyon ng Administrasyon para sa Job Order.

Sa ngalan ng katuwiran, kaayusan at katarungan, NINANAIS ng Administrasyon sa pamumuno ni Pangulong de Guzman na kagyat nang maresolbahan ang mga sigalot sa janitorial services. Ito ang paninindigan ni Pangulong de Guzman bago pa man siya sa naluklok sa kapangyarihan.

Hinihiling kung gayon ni Pangulong de Guzman ang lahat ng positibong hakbang na makakatulong para sa layuning ito.

Marami pong salamat.

Hunyo 22, 2012

Other News and Articles RSS Feed RSS Feed