Siyang Mabuting Guro, Asawa, Ina at Kaibigan (CLL's Big Losses... They Will Be Missed...)
Romeo P. Peña, PUP News, Volume 7, Issue No. 10, May 16-31, 2010(Paggunita kay Prof. Lolita Kamantigue-Abueg 1940-2010)
"Ang mga salita niya ay puspos ng kaalaman at ang turo niya ay pawang katapatan. Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw. Ginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak, maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka." (Kawikaan 31:26-29)
Sa edad na 70 pumanaw si Prof. Lolita K. Abueg noong Mayo 21, 2010, ang isa sa mga guro na maituturing na tagapagtaguyod ng wika, kultura at panitikan, hindi lamang sa buong komunidad ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas pati na rin sa buong bansa. Bukod sa mga estudyante, empleyado at kapwa guro s a PUP, marami ang nakakakilala sa kaniya dahi l sa kaniyang dedikasyon sa pagtuturo ng mga asignaturang Filipino at pangunguna sa iba't ibang organisasyon tulad ng Pandayan ng Literaturang Pilipino, Ink. (PANDAYLIPI, Ink.), PUP Multi-Purpose Cooperative, Samahan ng mga Dalubguro sa Filipino, Ink. (SADAFIL, Ink.), CLL Faculty Association at marami pang samahan. Hindi rin matatawaran ang kaniyang pagiging aktibo sa Pambansang Samahan ng mga Tagapagtaguyod ng Filipino (PASATAF) na isang kilalang samahang pang-wika sa Pilipinas. Ilang ulit na rin siyang naanyayahan na maging hurado sa Palanca Awards, isa sa mga kilalang patimpalak pampanitikan sa Pilipinas.
Sa tuwing dumadalo sa mga okasyon, kumperensiya, seminar at iba pang aktibidad si Ma'am Lolit - tawag ng kaniyang mga kakilala at kaibigan, hindi maikakailang kilala siya ng maraming tao dahil sa lawak ng kaniyang koneksyon s a mga edukador at mga prominenteng tao sa bansa bukod pa sa kaniyang pagiging maybahay ni Dr. Efren R. Abueg na isang batikang manunulat sa ating bansa. Sa kuwento ni Dr. Abueg, "headlight" ng kaniyang buhay ang kaniyang kabiyak. Isang kabiyak na handang tumulong, magmalasakit at magpagalalang-alang sa ikabubuting pamilya. Isa rin siyang inang mapagmahal, mapag-aruga at maunawain.
Hindi malilimutan ng mga taong nakasalamuha ni Ma'am Lolit ang kaniyang matatamis na ngiti. Ang mga ngiting hindi matatanggihang suklian din ng matatami na mga ngiti dahi l na kapapawi ng problema. Isang kaibigan, kasama at kapanalig sa mga magagandang hangaring pang-akademya at panlipunan. Bukas sa pagtulong at pagsuporta sa mga aktibidad ng mga estudyante, guro at empleyado ng PUP.
Sa isinagawang pag-alaala sa kaniya noong Mayo 27, 2010 sa Sapinoso Grand Chapel sa Imus, Cavite na pinanguhan ng kaniyang mga kaguro sa Kolehiyo ng mga Wika at Linggwistika (CLL), higit na napatingkad ang mga katangian ni Ma'am Lolit bilang isang mabuting guro, asawa, ina at kaibigan.
Romeo P. Peña
Guro, Kagawaran ng Filipinolohiya