PUPLHS Chorale Tagumpay sa Malaysia

, News Bits, Volume VI, Isyu No. 15, Agosto 1-15, 2009

Pagkatapos ng mahigit isang taong paghahanda, naging mabunga ang unang pagsabak ng PUP Laboratory High School Chorale sa "A Voyage of Songs" International Chorale Competition na ginanap sa Penang, Malaysia noong Hulyo 4-8, 2009.

Hindi biro ang paghahandang ginawa ng Chorale sa pangunguna ni G. Jonathan A. Jarin para makasali sa patimpalak.


Ang PUPLHS Chorale kasama ang kanilang punong-guro matapos ang timpalak. 

Mahigit na isang taong pagsasanay, kabilang pa ang mga gawain para makaipon ng sapat na pondo upang makapagparehistro at matustusan ang iba pang gastusin. Matatandaang nagsagawa pa nga ng isang pagtatanghal ang PUPLHS Chorale noong Marso upang makalikom ng pondo. Ngunit ang lahat ng pagod ay napawi nang gawaran ng dalawang "Sertipikong Pilak" ang LHS Chorale bilang pagkilala sa kanilang mahusay na pag-awit ng mga awiting nakahanay sa kategoryang "Chamber" (Category D) at "Folklore" (Category F). Isa nga itong maituturing na mabuting resulta sa kabila ng katotohanang una itong pagsabak ng mga mag-aaral at may halos apat-na-pung pangkat ang lumahok mula pa sa iba't-ibang parte ng mundo.

Isa pang inaabangang tagpo dito ay ang unang paglalakbay ng mga mag-aaral na lumahok.

Bukod sa pamamasyal, inaliw din nila ang mga Pilipinong nasa Malaysia nang dalawin nila at awitan ang mga empleyado sa embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur. Bukod kay G. Jarin, kasamang naging gabay ng chorale sa kanilang paglalakbay ang ilang mga guro at magulang sa pangunguna
ng Punong Guro, si Prop. Corazon C. Tahil.

Lubos ang pagpapasalamat ni G. Jarin sa mga tumumulong sa PUPLHS Chorale upang lubos na maging ganap ang adhikain niyang magkaroon ng internasyunal na partisipasyon at pagkilala sa grupo.

Mula sa mga opisyales ng unibersidad, administrasyon at kaguruan ng PUPLHS, sa administrasyon at kaguruan ng COABTE, mga magulang ng mga mag-aaral sa LHS at sa LHS Alumni, ipinapaabot ni G. Jarin at ng PUPLHS Chorale ang taus-pusong pasasalamat sa kanilang pagsuporta at pagtangkilik.


Bilang pagpupugay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ipinasya ng patnugutan ng PUP NEWS na gawing medyum ang sariling wika sa lahat ng mga artikulong ilalathala sa buwan ng Agosto.

View more news and articles...
Other News and Articles RSS Feed RSS Feed
Share this page:
Top