Maria Theresa M. Zapanta, News, University Library
SDG 5 SDG 10
Nagsagawa ang University Library (UL), katuwang ang Department of Nutrition and Dietetics (CND) at Gender Equity, Diversity, and Social Inclusion Office (GEDSIO), ng webinar para sa Gender and Development (GAD) na may temang “WORDS THAT INCLUDE: Bias-Free Language.”
Isinagawa ang webinar noong Agosto 5, 2026 sa pamamagitan ng MS Teams upang itaguyod ang isang ligtas, suportado, at inklusibong akademiko at lugar-paggawa para sa buong Komunidad ng PUP.
Tinalakay ni Asst. Prof. Brent B. Soriano, Communication Officer ng Communication Management Office (CMO) at guro sa Department of Sociology and Anthropology - College of Social Sciences and Development (CSSD), ang paksang “Bias-Free and Inclusive Language.”
Ipinaliwanag ni Soriano na ang walang-pinapanigang wika (bias-free language) ay gumagamit ng mga salita at pahayag na umiiwas sa pagtatangi, stereotyping, hindi makatarungang paghusga, at diskriminasyon laban sa mga indibidwal o grupo. Samantala, tinitiyak ng inklusibong wika (inclusive language) na tinatrato ang lahat nang may paggalang at dignidad, anuman ang kanilang kasarian.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng tumpak na paglalarawan sa mga tao nang hindi sila nililimitahan sa mga stereotype o label. Kapag nagkamali sa paggamit ng wika, mahalagang kilalanin ang pagkakamali, itama ito, at magpatuloy nang may pagkatuto upang makabuo ng mas inklusibo, magalang, at pantay na kapaligiran.
Ipinaalala rin ni Soriano na hindi nangangahulugan ang inclusive language na kailangang laging sabihin ang “perpektong” salita. Higit sa lahat, mahalagang patuloy na magsikap na makipagkomunikasyon nang may respeto. Kapag may nagawang pagkakamali, dapat itong tugunan nang mahinahon at konstruktibo sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung bakit maaaring nakasasakit ang isang salita o pahayag. Dapat ding maging kalmado, taos-puso, at maayos ang layunin sa pagtugon.
Sa pagtatapos ng talakayan, binigyang-diin ni Soriano na maaaring iulat sa mga nararapat na PUP channel ang mga patuloy na paglabag sa gender-fair language upang mabigyan ng angkop na aksyon.
Sa pamamagitan ng webinar, muling pinagtibay ng Sintang Paaralan ang pangako nitong bumuo at magpanatili ng mga inklusibo at gender-fair na espasyo, alinsunod sa United Nations Sustainable Development Goal (SDG) 5: Gender Equality at SDG 10: Reduced Inequalities.
Patuloy na isinusulong ng PUP ang mga programang nagpapalawak ng gender sensitivity at awareness ng mga Iskolar ng Bayan at kawani ng Unibersidad, tungo sa isang mas inklusibo, makatarungan, at may paggalang na Komunidad ng PUP.
Article Edited by: Jan Vincent L. Lanuza, Communication Management Office
Please click/tap the appropriate link to help you in your navigation of our services
Applicant Student Faculty Member or Employee Researcher or Extensionist Alumni Campus Life Sustainable Development Goals Back to Homepage