Neil Oliver Dela Cruz, News, College of Social Sciences and Development (Department of History)
Sa pagpapatuloy ng Ugnayan at Talastasan: An Interdisciplinary Forum on the Social Sciences and Development na pinangungunahan ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pang-kaunlaran (CSSD), binigyang-diin ng panauhing tagapagsalita na si Dr. Nancy Kimuell-Gabriel ang kahalagahan ng mga kababaihan sa panahon ng sigwa. Ginanap ito noong ika-19 ng Setyembre sa ganap na ika-2 hanggang ika-4 ng hapon, sa pamamagitan ng Zoom.
Ang kanyang talakayan ay pinamagatang “Ang Babae sa Panahon ng Sigwa: Ang Tindig ng Pilipina sa Batas Militar,” at nagbigay ito ng kaisipan kung paano kinaharap ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang sektor ang mga pangyayaring pumaloob dito sa batas militar. Mula sa pagtalakay ni Dr. Kimuell-Gabriel ay nabigyan ng malalim na kahulugan ang naging papel ng mga kababaihan sa panahon ng batas militar. Ang mga personalidad na binanggit at ang kanilang naging ambag sa lipunan ay tunay na dapat kilalanin sa yugtong iyon ng kasaysayan ng Pilipinas.
Si Dr. Kimuell-Gabriel ay kasalukuyang Direktor ng UP General Education Center. Nagsilbi rin siyang Coordinator ng UP Diliman Gender Office mula 2015 hanggang 2020, kasabay ng kanyang paninilbihan bilang Coordinator para sa Tri-College PhD Philippine Studies Program ng UPD. Dalubhasa siya sa usapin ng kasaysayan, gender, at Philippine Studies, bunga na rin ng kanyang disertasyong may pamagat na “Pook at Pagsasakapangyarihan: Ang Kababaihan ng Tundo, 1946-2008.”
Nagsilbing reactors para sa talastasan sina Prop. Jaymee Carlo N. Ebreo mula sa Kagawaran ng Kasaysayan at Prop. Lenina F. De Guzman, Chief ng Center for Gender and Development Focal System at guro mula sa Kagawaran ng Sosyolohiya at Antropolohiya. Ang talastasang ito ay dinaluhan ng mga kaguruan mula sa iba pang mga kolehiyo at mga mag-aaral sa loob at labas ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas bilang pag-alaala na rin sa pagdeklara ng batas militar sa Pilipinas noong 1972.
Regular na isinasagawa ng CSSD ang Ugnayan at Talastasan. Layunin nitong mapalawig pa ang diskurso ukol sa iba’t ibang isyung-panlipunan na kinakaharap ng bansa sa pamamagitan ng pakikipanayam sa mga eksperto at kilalang mananaliksik. Ilan sa mga paksang tinalakay at tatalakayin pa ay nakatuon sa karapatang-pantao, kahirapan, indigenous peoples, pangkabuhayan, kapayapaan at pampublikong kaligtasan, pamamahala, pambansang seguridad, makataong pakikipanayam, diplomasya, at karanasan ng mga manggagawang Pilipino sa loob at labas ng bansa.
Please click/tap the appropriate link to help you in your navigation of our services
Applicant Student Faculty Member or Employee Researcher or Extensionist Alumni Campus Life Institutional Accreditation Back to Homepage