PUP-CCW wagi sa Saranggola Blog Awards

Emy Ruth Gianan, Mj Rafal, Arts and Culture, Center for Creative Writing

Muli na namang pinatunayan ng mga Iskolar ng Bayan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang kanilang kahusayan sa Malikhaing Pagsulat. Ilang mga mag-aaral mula sa Sertipiko para sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino (SPMPF) at mga mag-aaral ng AB Filipinolohiya (ABF) ng Kagawaran ng Filipinolohiya ang humakot ng mga pagkilala mula sa katatapos lamang na Saranggola Blog Awards.

Nakamit ni Andyleen C. Feje ang Ikalawang Karangalan para sa Tula para sa kanyang akdang “Sapagkat Hindi Sapat ang mga Rosas” at Ikalawanag Karangalan para sa Maikling Kuwento para sa kanyang kuwentong “Reyna Elena”; nakuha naman ni Darwin N. Medallada ang Unang Karangalan sa pagsulat ng Dagli para sa kanyang akdang “Pabrika ng Pangarap, Kurso, Pamana, Halimaw sa Kaldero” at ang Ikatlong Gantimpala para sa Maikling Kuwento para sa kanyang akdang “Karen”. Nakamit din ni Kirt John C. Segui ang Ikalawang Karangalan para sa Kuwentong Pambata para sa kanyang akdang “Bakit Hindi Ngumingiti si Happy”, Ikalawang Karangaalan para sa Akdang Pagsusuri para sa kanyang sanaysay na “Si(y) Bebang at ang Naratibong IRM” at Ikatlong Gantimpala para sa Dagli para kanyang akdang “Naisantabing Tinig”.

Si Feje at Medallada ay kapwa mag-aaral ng Sertipiko Para sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino na nasa ilalim ng pamunuan ng Open University ng PUP, samantalang si Segui naman ay alumna ng AB Filipinolohiya mula sa Kagawaran ng Filipinolohiya at kasalukuyang administrative staff sa Komisyon sa Wikang Filipino.

Ang SBA, na nagdiriwang ng kanilang ika-11 anibersaryo ngayong taon, ay itinaguyod ni Bernard Umali katuwang ang Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, DMCI Homes at Golden Leaf Productions. Layon ng patimpalak na ito na bigyan ng espasyo ang mga Filipino blogger ng mapaglalathalaan ng kanilang pamapanitikang akda na nasa Wikang Filipino, gayundin ay upang palaganapin ang paggamit ng Wikang Filipino sa internet. Ang mga hurado sa Saranggola Blog Awards ngayong taon ay ang mga premyado at kilalang manunulat tulad nina Bob Ong, Abdon Balde Jr., Marra Llanot, Adam David at Herminio Beltran Jr.

View more news and articles...
Other News and Articles RSS Feed RSS Feed
Share this page:
Top