Hannah Belle Villarama, News, Gender Equity, Diversity, and Social Inclusion Office
Isinagawa ng Gender Equity, Diversity, and Social Inclusion Office (GEDSIO) ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), katuwang ang Pi Lambda Theta (PLT) Philippines, ang isa sa kanilang mga programa para sa Buwan ng Kababaihan—ang “Women in Education: Accelerate Action Toward Excellence.” Ginanap ito sa Bulwagang Balagtas, University Library noong Marso 14, 2025.
Nagsimula ang kaganapan sa pagbubukas na pagbati sa pangunguna ng Pangalawang Pangulo sa Pananaliksik, Ekstensiyon, at Pagpapaunlad na si Dr. Anna Ruby P. Gapasin. Sinundan naman ito ng introduksyon sa panauhing tagapagsalita na pinangunahan ng Pangulo ng Unibersidad na si Dr. Manuel M. Muhi.
Malugod na tinanggap ng Sintang Paaralan ang pangunahing tagapagsalita na si Dr. Ethel Agnes Pascua-Valenzuela, Komisyoner ng Commision on Higher Education (CHED) at Pangulo ng PLT Philippines, at Chair-Designate ng PUP Board of Regents upang ihatid ang kanyang keynote lecture.
Laman ng diskusyon ni Pascua-Valenzuela ang pagsulong ng edukasyon, adbokasiya, at kalakasan ng kababaihang Pilipino, kung saan maraming babaeng guro at opisyal ang dumalo. Ang mga kababaihan ay may makabuluhang papel, lalong lalo na sa sektor ng edukasyon. Ayon sa kanya, nararapat na gamitin ng mga kababaihan ang kanilang mga boses at talino, habang nananatiling mapagkumbaba.
Dagdag pa niya, sa patuloy na pagsuporta at pagbibigay-pansin sa kanilang mga karapatan at kakayahan, mas lalo nilang mapapalakas ang kanilang papel bilang mga tagapagtaguyod ng kaalaman.
“Taon-taon, may malaking bilang ng mga kababaihang estudyante ang nakakapagtapos at nagkakaroon ng sapat na edukasyon,” ani niya nang ilahad ang bunga ng pagtugon nila sa kanilang mga adbokasiya.
Binibigyang-diin ni CHED Komisyoner na ang bawat kababaihan ay may lakas na tunguhin ang kanilang kakayahan sa hinaharap at nakahanda silang magtagumpay sa kanilang mga karera sa buhay.
Bukod pa rito, naghatid ng video presentation ang PLT Philippines na pinangunahan ni Dr. Elineth Elizabeth Suarez, propesor sa Ateneo De Manila University (ADMU), na kung saan itinampok nila ang kanilang organisasyon, ang kalakasan ng kababaihan, lalong-lalo na sa kalikasan ng pakikipag-ugnayan nila sa isa’t isa o sisterhood. Kasunod nito, hinatid ng dating Executive Vice President ng PUP, dating pangulo ng PLT Philippines, at kasalukuyang Officer-in-Charge (OIC) College Administrator ng One Cainta College na si Dr. Victoria C. Naval ang kaniyang closing remarks.
Ang buwan ng Marso ay itinakda bilang panahon ng selebrasyon sa bawat kababaihan, pagkilala sa kanilang mga kontribusyon at tagumpay sa lipunan, at patuloy na pagsusulong ng pantay na karapatan na naglalayong magtaguyod ng pagpapalakas sa mga kababaihan. Ngayong Marso 2025, ang temang “Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat ang Bukas sa Bagong Pilipinas” ay nakatuon sa pagkilala sa mga kababaihan sa bawat sektor ng lipunan.
Pangulo ng Unibersidad, Dr. Manuel M. Muhi sa kanyang panimulang pananalita at pagpapakilala sa tagapagsalita. Ang CHED Komisyoner at Pangunahing Tagapagsalita na si Dr. Ethel Agnes Pascua-Valenzuela. May pamagat na “Shaping Futures: Women in Education Today” ang kanyang lektura. Ang lahat ng dumalo sa nasabing Women’s Forum.
Please click/tap the appropriate link to help you in your navigation of our services
Applicant Student Faculty Member or Employee Researcher or Extensionist Alumni Campus Life Institutional Accreditation Back to Homepage