Karylle Anne Cabugos And Aella Marie Pusod, News, Communication Management Office
SDG 4 SDG 8 SDG 10 SDG 16
Mula sa mga gabing ginugol sa pag-aaral at ensayo hanggang sa mga araw na isinantabi para sa pangarap, inani ng 51 mag-aaral ng College of Arts and Letters (CAL) ang bunga ng kanilang pagsisikap sa 2026 Araw ng Pagkilala noong Setyembre 30 sa Bulwagang Bonifacio ng PUP Sta. Mesa Campus.
Sa temang “Agham at Humanidades para sa Mapanuring Pag-iisip, Makataong Kamalayan, at Pananagutang Panlipunan,” kinilala ang mga mag-aaral mula sa Batsyiler ng Sining sa Pag-aaral ng Wikang Ingles (Bachelor of Arts in English Language Studies), Batsyiler ng Sining sa Filipinolohiya (Bachelor of Arts in Filipinology), Batsyiler ng Sining sa Pag-aaral ng Panitikan at Kultura (Bachelor of Arts in Literary and Cultural Studies), Batsyiler ng Sining sa Pilosopiya (Bachelor of Arts in Philosophy), at Batsyiler ng Sining ng Pagtatanghal na nagdadalubhasa sa Sining Panteatro (Bachelor of Performing Arts major in Theater Arts) para sa kanilang natatanging ambag sa akademya, sining, pananaliksik, pamumuno, at mga organisasyon.
Higit pa sa mga medalya at sertipiko, naging pagkilala rin ang seremonya sa mga panahong inilaan at mga bagay na isinantabi upang maabot ang tagumpay. Sa bawat parangal ay naroon ang mga oras ng pag-aaral at pagsasanay, pagod na tiniis, at mga pagkakataong ipinagpaliban. Sa likod ng bawat pagkilala ay isang paglalakbay na pinatatag ng tiyaga, disiplina, at suporta ng mga taong naniwala sa kakayahan ng mga mag-aaral.
Sa kanyang pambungad na pananalita, kinilala ng Dekano ng CAL na si Rafael Michael O. Paz, PhD, ang kahusayan at katatagan ng mga mag-aaral sa gitna ng mga hamon sa silid-aralan, pamantasan, at lipunan. “Nawa’y kayo ang maging totoong pag-asa ng bayan sa hinaharap, ang mga munting liwanag sa dilim,” ani Paz.
Bago naging mga “munting liwanag” sa entablado, hinarap muna ng mga mag-aaral ang mga araw na puno ng pagod, pagsasanay, at pagpupursigi.
Para kay Frances Marie Akol, mag-aaral ng Batsyiler ng Sining ng Pagtatanghal (Bachelor of Performing Arts) at tumanggap ng Natatanging Pagbanggit para sa Worlds Championship of Performing Arts (Special Citation Award for Worlds Championship of Performing Arts), nagsimula ang kanyang tagumpay bago pa man siya makatuntong sa pandaigdigang entablado. Sa likod ng pagkilalang iyon ay ang mga pagsasanay at paghahandang kinailangan upang katawanin hindi lamang ang sarili kundi maging ang pamantasang kanyang pinanggalingan.
“Hindi lamang kinilala ang aking pagsisikap, kundi maging ang suporta ng paaralan sa akin na naging malaking tulak upang magpatuloy pa,” ani Akol. Para kay Akol, hindi pansariling pagsisikap lamang ang bumubuo sa isang tagumpay. Kasama rin dito ang mga taong nagbibigay ng lakas at paniniwala habang hinahabol ng isang mag-aaral ang kanyang pangarap.
Samantala, para kay Minchie Gapasinao mula sa Batsyiler ng Sining sa Pag-aaral ng Wikang Ingles (Bachelor of Arts in English Language Studies), ang tagumpay ay may kasamang mga Linggong ginugol sa ensayo, pamasahe patungo sa mga pagsasanay, kakulangan sa tulog, at mga pagkakataong kailangang pagsabayin ang klase at pagiging alagad ng sining. Bilang miyembro ng PUP Bagong Himig Senerata, lumahok si Gapasinao sa Yogyakarta International Choral Festival at tumanggap ng Natatanging Pagbanggit (Special Citation Award) matapos ang matagal na paghahanda kasama ang kanyang mga kasamahan. “Nakakapagod maging mag-aaral na alagad ng sining, pero sa huli, basta gusto mo ang ginagawa mo, may katuparan at saya ito,” ani Gapasinao.
Hindi rin nagtapos sa pansariling tagumpay ang kahulugan ng mga parangal. Sa pagtanggap ng Natatanging Pinuno ng Mag-aaral ng CAL (CAL Outstanding Student Leader Award), binigyang-diin ni Christian Ancheta ang tungkuling gamitin ang kaalaman, talento, at tinig para sa bayan. “Artista ng bayan, patuloy na sumulong, patuloy nating pagsilbihan ang sambayanan,” ani Ancheta. Sa ganitong pananaw, ang pagkilala ay hindi lamang pagtatapos ng isang paglalakbay kundi simula ng panibagong pananagutan—ang gamitin ang mga natutuhan at kakayahan para sa kapwa, pamantasan, at bayan.
Ngunit bago pa man maiabot ang mga medalya, may sarili ring sakripisyong hinarap ang mga taong naglatag ng seremonya. Naantala ang orihinal na iskedyul ng programa dahil sa mga suspensiyong dulot ng bagyo, habang kakaunti rin ang natanggap na nominasyon para sa mga parangal. Wala ring nakalaang pondo para sa pagkilala, kaya ilang pangangailangan ng programa ay tinustusan mula sa sariling ambag ng mga guro.
Sa kabila nito, ipinagpatuloy ng CAL Recognition Committee ang programa upang hindi malampasan ang mga tagumpay ng mga mag-aaral noong Taong Panuruan 2025–2026. “Ayaw naming malampasan ang kanilang mga nakamit noong 2025–2026,” ani Alondra Gayle T. Sulit, tagapangulo ng CAL Recognition Committee 2026.
Bukod sa pagkilala sa kahusayang pang-akademiko, pinarangalan din ang mga natatanging ambag sa pananaliksik, pagsasanay, pamumuno, sining, at mga organisasyon. Kabilang dito ang Natatanging Organisasyon ng Mag-aaral ng CAL (CAL Outstanding Student Organization Award), Natatanging Intern ng CAL (CAL Outstanding Intern Award), Natatanging Tesis ng CAL (CAL Outstanding Thesis Award), Natatanging Alagad ng Sining ng CAL para sa Pagtatanghal Panteatro (CAL Outstanding Student Artist for Theatrical Performance), at Natatanging Pinuno ng Mag-aaral ng CAL (CAL Outstanding Student Leader Award).
Pinayabong naman ng mga pagtatanghal ng PUP Tulos Baybay at ng drag artist na si Edsa Xxtra ang programa, na nagbigay-diin sa mahalagang puwang ng sining at kultura sa buhay ng mga mag-aaral.
Higit sa indibidwal na pagkilala, sinasalamin ng mga pinarangalan ang mga pagpapahalaga ng PUP sa kahusayan, integridad, at paglilingkod. Sa akademya, sining, pananaliksik, at pamumuno, ipinakita nilang maaaring maging daan ang kaalaman at talento upang makapag-ambag sa pamantasan at sa mas malawak na pamayanan.
Kaakibat nito ang mga layunin ng Sustainable Development Goals o Mga Layunin para sa Napapanatiling Kaunlaran, partikular ang SDG 4 o De-kalidad na Edukasyon, sa pagpapaunlad ng kakayahan ng mga mag-aaral; SDG 8 o Disenteng Trabaho at Pag-unlad ng Ekonomiya, sa paghahanda sa kanilang mga larangan; SDG 10 o Pagbawas ng Hindi Pagkakapantay-pantay, sa pagkilala sa sari-saring talento at ambag; at SDG 16 o Kapayapaan, Katarungan, at Matatag na Institusyon, sa pagsusulong ng responsableng pamumuno at pakikilahok sa lipunan.
Sa pagtatapos ng seremonya, higit pa sa medalya at sertipiko ang dala ng mga pinarangalan. Kasama nila ang mga gabing ipinuhunan, pagod na tiniis, pagkakataong ipinagpaliban, at mga taong naging bahagi ng kanilang paglalakbay. Ang Araw ng Pagkilala ay naging paalala na ang bawat tagumpay ay may pinagmulan—may panahong kailangang magtanim, magtiyaga, at maghintay bago anihin ang bunga. At sa pagharap ng mga mag-aaral sa mga susunod na yugto ng kanilang paglalakbay, mananatiling hamon ang gawing higit na makabuluhan ang kanilang mga tagumpay—para sa sarili, sa kapwa, at sa bayan.
Please click/tap the appropriate link to help you in your navigation of our services
Applicant Student Faculty Member or Employee Researcher or Extensionist Alumni Campus Life Sustainable Development Goals Back to Homepage