Gicel Roger Salvilla, News, Communication Management Office
SDG 2 SDG 4 SDG 8 SDG 9 SDG 12
Pinatunayan ni John Christopher Torres Bacual, Bachelor of Science in Food Technology graduate, ang husay at pagpupursigi ng Iskolar ng Bayan matapos makamit ang Top 6 sa August 2026 Professional Food Technologists Licensure Examination na may 88.50% rating, habang nagtala naman ang pamantasan ng 83.02% overall performance sa naturang pagsusulit.
Hindi man Food Technology ang unang kursong pinili ni Bacual, unti-unting lumalim ang kaniyang interes sa larangan dahil sa kaniyang pagkahilig sa pagkain at pagnanais na maunawaan kung paano gumagana ang bawat sangkap sa food products. Lalong umigting ang kaniyang interes noong ikalawang semestre ng sophomore year nang mabigyan siya ng mga oportunidad na makilala ang propesyon at komunidad ng Food Technology.
“I was exposed to several opportunities that showed me how exciting and nice a career in Food Technology is, and how great the community is.”
(Nabigyan ako ng iba’t ibang oportunidad na nagpakita sa akin kung gaano kapana-panabik at kaganda ang karera sa Food Technology, gayundin kung gaano kaganda ang komunidad nito.)
Malaki rin ang naging bahagi ng Department of Food Technology ng Sintang Paaralan, kaniyang mga guro, at mga kapwa mag-aaral sa kaniyang tagumpay. Para kay Bacual, ang suportang kaniyang natanggap ang nagpalakas sa kaniyang loob na ipagpatuloy ang paglalakbay tungo sa licensure.
“They were such big factors for this achievement, and I dedicate this win to them.”
(Malaki ang naging bahagi nila sa pagkamit ng tagumpay na ito, kaya iniaalay ko sa kanila ang panalong ito.)
Sa kaniyang anim na taonn sa pamantasan, higit pa sa akademikong kaalaman ang kaniyang natutuhan. Hinubog siya upang maging mapagkumbaba, malikhain, matatag, at mapagtiyaga, habang pinapalalim ang kaniyang malasakit sa bayan at kamalayan sa mga isyung panlipunan.
“PUP definitely molded me into the person that I am now.”
(Malaki talaga ang naging bahagi ng PUP sa paghubog sa akin bilang taong ako ngayon.)
Dala niya ang mga aral na ito sa kaniyang pagpasok sa industriya, kung saan nais niyang gamitin ang kaniyang kaalaman sa Food Technology sa mas holistic, responsable, at makabuluhang paraan upang makapaglingkod sa mga tao at sa bansa.
Hindi rin naging madali ang kaniyang paghahanda para sa licensure examination. Inamin ni Bacual na nakaranas siya ng mga panahong nakaramdam ng pagkatalo at kawalan ng motibasyon, ngunit naging mahalagang sandigan niya ang kaniyang support system at mga kapwa Iskolar ng Bayan.
“It is not every day that we are driven and motivated but still showing up increases our odds of winning.”
(Hindi araw-araw ay mayroon tayong sapat na sigla at motibasyon, ngunit ang patuloy na pagharap at pagsisikap ay nagpapataas ng ating pagkakataong magtagumpay.)
Hinikayat niya ang mga kapwa mag-aaral na huwag labis na panghinaan ng loob kapag hindi agad nakakamit ang inaasam na resulta at patuloy na pahalagahan ang sariling progreso. Sa mga aspiring Food Technologists naman, hinikayat niya silang mahalin ang kanilang larangan at gamitin ang propesyon sa paglilingkod sa bayan.
“Thank you for your interest in feeding the nation and I hope you will love the program as much as I do… Padayon!”
(Maraming salamat sa inyong interes na makatulong sa pagpapakain sa bansa. Nawa’y mahalin ninyo ang programang ito tulad ng pagmamahal ko rito… Padayon!)
Ang tagumpay ni Bacual, kasama ang 83.02% overall performance ng pamantasan, ay sumasalamin sa diwa ng INSPIRED, partikular sa Excellence, Passion for Learning and Innovation, Sense of Service, Nationalism, Integrity and Accountability. Ipinakikita rin nito kung paano maaaring gamitin ang edukasyon at Food Technology upang makapag-ambag sa SDG 2 (Zero Hunger), SDG 4 (Quality Education), SDG 8 (Decent Work and Economic Growth), SDG 9 (Industry, Innovation and Infrastructure), at SDG 12 (Responsible Consumption and Production).
Sa 83.02% overall performance at Top 6 finish ni Bacual, muling ipinakita ng Iskolar ng Bayan na ang kahusayan ay hindi lamang nasusukat sa marka, kundi sa pagpupursiging matuto, tapang na magpatuloy, at paninindigang gamitin ang kaalaman para sa bayan.
Please click/tap the appropriate link to help you in your navigation of our services
Applicant Student Faculty Member or Employee Researcher or Extensionist Alumni Campus Life Sustainable Development Goals Back to Homepage