Pagbati po mula sa Kolehiyo ng Arte at Literatura/College of Arts and Letters.
Nagsimula po ang kolehiyong ito mula sa pinagsanib na College of Arts (CA) at College of Languages and Linguistics (CLL). Hindi matatawaran ang pagsusumikap ng kolehiyong ito na paunlarin ang mga programang nasa ilalim nito: Bachelor of Arts in English Language Studies, Batsilyer ng Artes sa Filipinolohiya/Bachelor of Arts in Filipinology, Bachelor of Arts in Literary and Cultural Studies, Bachelor of Arts in Philosophy, Bachelor of Performing Arts at ang bagong tatag na Batsilyer ng Artes sa Malikhaing Pagsulat/Bachelor of Arts in Creative Writing.
Bilang kasalukuyang Dekano ng CAL, batid ko pong naghahangad ang lahat ng mga mag-aaral na pumapasok sa mga programa sa ilalim ng CAL ng mas malawig na edukasyon at karunungan na higit na nakatuon sa wika, sining, kultura, panitikan, pagtatanghal, malikhaing pagsulat at pananaliksik. Lagi ko pong ipinaaalala sa mga mag-aaral ng CAL na maging gabay sana nila ang isang linya mula sa paborito kong nobela na may pamagat na “Botchan” ng nobelistang Hapones na si Natsume Soseki na naisalin sa Filipino ng isang mahusay na tagasalin na si Lilia F. Antonio. Ang sabi sa nobela, “Ang salitang edukasyon ay hindi lang nagpapahiwatig ng pagkakamit ng karunungan. Nangangahulugan ito ng pagbabahagi ng dakila, tapat at marangal na diwa at ang pagpuksa sa mga ugaling panakaw, walang galang, at walang pakundangan.” Hinihiling ko sa lahat ng mga mag-aaral na maging tuloy-tuloy ang kanilang pagsisikhay at pagtuklas ng karunungan sa ilalim ng mga programa sa CAL at mangarap silang makapagtapos baon ang dangal na hinubog mula rito sa aming Sintang Paaralan sa tulong naming mga guro, mga empleyado at mga administrador na laging umaagapay sa kanila.
Please click/tap the appropriate link to help you in your navigation of our services
Applicant Student Faculty Member or Employee Researcher or Extensionist Alumni Campus Life Institutional Accreditation Back to Homepage